Bahay-bahayan nina Hansel at Gretel
Halika, tayo'y maglaro:
Kunwari ikaw si Tatay,
kunwari si Nanay ako,
'tong kama mo'ng ating bahay.
Halika, tayo'y maglaro:
Tunay mo daw akong mahal...
Tunay naman ako'y iyo.
Laro man ay di magtagal.
Tayo'y magbahay-bahayan.
Tamis ng kasinungalingan,
Pait ng katotohanan.
Dito ako, iyo mang saktan.
Tikman ang tamis ng dingding.
Sa yakap ko 'ka'y umidlip,
Tagong saglit 'ka'y kapiling.
Lulong na sa panaginip.
Tikman at wala nang tamis,
Tira'y mapait na bubog.
Lasap pati luha't tangis:
Himagas ng pusong busog.
-june 11, 2005-